CAGAYAN DE ORO CITY- Tuluyan nang nahulog sa mga kamay ng mga otoridad ang isa sa 70 facilitators na umano’y nasa likod ng live streaming sex show sa internet sa bansa habang palihim na naninirahan sa Purok 7,Sitio Bitoon,Aguada,Ozamiz City ng Misamis Occidental.

Ito ay matapos natunton ng pulisya ang lokasyon ng suspek na si Analyn Bangcolongna Tabibina,22 anyos,may asawa at walang trabaho na nakatira sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayhag ni Police Regional Office 10 spokesperson Lt Col Mardi Hortillosa na gamit ang tatlong search warrants na inilabas ni Regional Trial Court Branch 19 Judge Evelyn Nery ay nilusob ng mga taga- Camp Crame ang bahay ni Tabibina kaya ito naaresto.
Inihayag ni Hortillosa na matagal nang moni-monitor ng Camp Crame ang mga sindikato na nasa likod ng live streaming sex show hanggang nakompirma ang lokasyon ng suspek at agad isinilbi ang tatlong search warrants.
Dagdag ng opisyal na taong 2018 pa ang pagkilos ng mga sindikato kaya binuo ng Camp Crame ang Transitional Criminal Investigation Task Force para tumbukin ang 70 facilitators kung saan nagmula sa Misamis Occidental ang isa sa mga ito.
Natuklasan na kadalasan sa mga babaeng ginamit ng mga suspek ay nag-edad 14 hanggang 18 kung saan binigyan ng malaking halaga ng pera kapalit ng kanilang pagpapakita ng mga malalaswang bahagi ng katawan sa harap ng foreign online viewers.
Nailigtas rin ng PNP at kasama ang ibang sangay ng gobyerno na suportado ng International Justice Mission ang dalawang minors at apat na nasa legal na edad na kababaehan.
Kakaharapin ng suspek ang kasong paglabag ng Expanded Anti-Trafficking in Person Act (Republic Act 10364) na alinsunod rin sa Section 6 ng Child Pornography through Computer System (Republic Act 10175).










