CAGAYAN DE ORO CITY – Pinagpaplanuhan na ngayon ng mga opisyal at environmental advocacy groups na magsampa ng reklamo laban sa South Korean government sa United Nations.
Ito’y may kaugnayan sa naggawa nilang pinsala sa kapaligiran dahil sa itinapon na basura ng Verde Soko Philippines Industrial Corp. sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ayon kay Bureau of Customs district collector John Simon, makikipag-ugnayan sila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang mga grupo upang matukoy ang saklaw ng pagkasira ng kalikasan na dulot ng pagtapon ng basurahan sa isang pasilidad ng Phividec Industrial Estate sa Sityo Buguac, Barangay Sta. Cruz, bayan ng Tagoloan, mula noong 2018.
Aniya, hindi sila titigil hangga’t maparusahan ang mga salarin na sina South Koreans Cho Chul-soo (also known as Charles Cho), Cho Jae-ryang at Na Sena.
Kakasuhan nila ang South Korea dahil sa kanilang bansa nagmula ang mga waste materials.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990, Customs Modernization at Tariff Act ang tatlong opisyal ng Verde Soko.
Kung maalala, umabot sa 6,500 metriko toneladang mga basurang plastik ang naitapon sa Misamis Oriental mula taong 2018.