CAGAYAN DE ORO CITY – Mananaig ang sovereign rights kaysa pagsilbing pagiging magkaibigan ng Pilipinas at China sa usapin ng territorial dispute ng West Philippine Sea (WPS).
Ito ang reaksyon ni Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez kaugnay sa hayagang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga miyembrong bansa nang isinagawa ang ika-75 United Nations General Assembly noong nakaraang araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Rodriguez na katangi-tangi ang ginawa ng pangulo dahil hawak naman ng Pilipinas ang arbitrary ruling ng Permanent Court of Arbitration laban sa China na inilabas noong Hulyo 2016.
Inihayag ni Rodriguez na mas mabuti na matapang na inilatag ni Duterte sa UNGA delegates ang legal na pag-aangkin ng mga teritoryo na sakop ng 200 mile Exclusive Economic Zone (EEZ) na konsepto ng United Nations Conference on the Law of the Sea (UNCLOS).
Magugunitang ginulantang ni Duterte ang maraming bansa partikular ang China sa paggiit nito na Pilipinas ang may-ari ng West Philippine Sea kahit alam ng lahat na matalik na magkakaibigan sila ni Chinese President Ji Xinping.