CAGAYAN DE ORO CITY – Mas lalong nangangamba ang Filipino community sa maaring sasapitin nila habang nakaranas ng mataas na kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) ang bansang Espanya.

Ito ay matapos pinalawig ng Spanish government ang estado de alarma o state of alarm upang mapigilan ang pagdami pa ng mga tao na matatamaan ng bayrus sa nabanggit na bansa.

Iniulat ni Bombo Radyo international correspondent Madelyn Basilio na nagta-trabaho sa Madrid City,Spain na hindi sinasagot ng ilang mga among Espanyol ang pang-araw-araw na pangangailangan ng Pinoy workers sa gitna ng krisis bagkus ay sariling ipon ang ginagastos nila.

Inihayag ni Basilio na mabuti sa kanya dahil stay in ito sa kanyang trabaho kaya nalilibre maliban lamang sa dayoff nito na hindi na kabilang sa obligasyon ng kanyang amo.

Inamin nito na marami ang nababahala sa mga Pinoy dahil magtatapos na sana ang estado de alarma sa susunod na linggo subalit pinalawig ito hanggang Abril 26.

Una nang sinabi nito na nasa tatlo hanggang lima ang mga Pinoy na nasawi dahil sa bayrus kung saan kabilang ang isang madre na nahawaan ng sakit pagkatapos nakabisita sa bansang India.

Batay sa data ng World Health Organization,pangatlo ang Espanya sa mayroong pinakamaraming kaso ng bayrus kung saan nagtala na ng 119,199 kung saan nasa 11,198 ang tuluyang binawian ng buhay.