Photos from Kadingilan LDRRMO
CAGAYAN DE ORO CITY – Ipapatupad ang state of calamity dahil sa matinding epekto na dulot ng 5.9 magnitude na lindol na unang yumanig sa maraming barangay sa bayan ng Kadingilan,Bukidnon.
Ito ay matapos marami sa mga gusali ng pamahalaan,pribadong establisimiyento at kabahayan ng mga residente ang nasira dahil vertical movement earthquake na nakaapekto sa limang rehiyon sa Mindanao noong Lunes ng gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Bukidnon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Johanes Damasco na katunayan ay mismo sila ay hindi pa nakatapos sa ginawa na damage assessement dahil sa dami ng mga istraktura na kailangang matutukan.
Inihayag ni Damasco na sa apat na bayan at isang syudad na tinamaan ng lindol,tanging ang Kadingilan ay mayroong pinakamalaking pinsala kung saan higit 200 kabahayan ang naitala na hindi ligtas tirahan ng mga residente.
Dagdag ni Damasco na umakyat na rin sa walong katao ang sugatan bagamat nasa ligtas ng kalagayan nang magtamo ng minor injuries na nagmula sa bayan ng Maramag,Kadingilan at Kalilangan.
Magugunitang marami ring istraktura mula sa bayan ng Maramag at Don Carlos,Bukidnon ang hindi pinaligtas ng lindol.
Bagamat hindi na nasundan ng panibagong lindol ang lugar maliban lamang sa higit 100 mahinang aftershocks batay sa record ng Philvocs-Northern Mindanao.