(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Kumilos na sa pangangalap ng mga mahalagang impormasyon at ibang mga ebedensiya ang bumubuo sa itinayo na Special Investigation Task Grop (SITG) Johnny Walker para resolbahin ang panibagong media killing sa bayan ng Calamba,Misamis Occidental.

Ito ang inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Police Maj. Joann Navarro patungkol sa pagkabaril-patay sa station manager ng 94.7 Gold FM Calamba na si Juan Jumalon alyas Johnny Walker na residente sa Purok 2,Brgy. Bernardo A. Neri sa lugar.

Sinabi ng opisyal na lahat ng mga anggulo ang tinitingnan ng SITG partikular sa kanyang trabaho bilang matagal ng nasa industriya ng pamamahayag.

Una nang ipinag-utos ni PRO 10 regional director Brigader General Ricardo Layug Jr na hindi palagpasin ang pangyayari na walang mananagot sa sinapit ni Jumalon.

Magugunitang sapol sa camera ang pagpasok ng isa sa mga motorcycle in tandem suspects sa anchor’s booth at binaril ng dalawang beses ang biktima habang nasa kasagsagan ng kanyang ‘Hapyod sa Kabuntagon’ program bago tumakas sa hindi matukoy na direksyon kahapon ng umaga.