CAGAYAN DE ORO CITY – Iminungkahi ng ilang opisyal ng Cagayan de Oro na i-lockdown ang Alwana subdivision sa may Barangay Cugman nitong lungsod.
Ito’y matapos lumabas ang report na maraming banyagang Intsik na nakatira sa nasabing lugar ang pinaniniwalaang galing sa Wuhan, China.
Sinabi ni City Councilor George Goking, chairman ng Committee on Trade and Commerce na maraming alegasyon ang kaniyang natanggap at naniniwala siya na malutas lamang ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng lockdown upang mabigyan sila ng mas mahabang oras na maipagtanggol ang kanilang sarili.
Dahil dito, ini-endorso ni Goking sa task force novel coronavirus ang nasabing plano.
Una nito, umakyat na sa lima ang isinailalim sa person under investigation (PUI) matapos nakitaan ng mga sintoma sa novel coronavirus dito sa lungsod.
Ngunit sa nasabing bilang, dalawa nito ang nag-negatibo habang hinihintay pa ang resulta ng laboratory tests sa mga samples na ipinapadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa tatlong iba pa.