CAGAYAN DE ORO CITY – Iniimbestigahan ngayon ng 4th ID,Philippine Army at Carmen Police Station ang pagka-diskobre ng isang sundalo na wala ng buhay sa loob ng Camp Edilberto Evangelista ng Barangay Patag,Cagayan de Oro City kaninang madaling araw.

Ito ay matapos nagtamo ng tama sa dibdib ang biktima na si Army Technical Sgt Rogelio Asuncion,40 anyos na tubong Negros Occidental ng Western Visayas kung saan katabi lamang nito ang kalibre 45 na baril na pinaniniwalaang ginamit pagbaril.

Sinabi ni 58th IB,Philippine Army commander Lt Col Roy Anthony Derilo na inaalam pa nila ang dahilan kung paano namatay ang biktima lalo pa’t nag-iisa lamang itong narekober sa liason office nila na nakabase sa kampo.

Inihayag ni Derilo na makikipag-ugnayan pa sila sa pulisya upang alamin ang pinakadahilan sa pagkamatay ng kaniyang tauhan na 23 taon nang naninilbihan bilang sundalo dito sa Mindanao.

Lumutang rin ang anggulo na posibleng nagbaril-patay sa sarili ang biktima subalit ipapasuri pa ito ng mga taga- Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Sa ngayon,mayroon nang ilang sundalo na iniimbestigahan partikular ang umano’y nakadiskobre sa bangkay ng biktima upang tuklasin kung mayroong kinalaman sa pangyayari.