CAGAYAN DE ORO CITY – Umabot pa P40 milyong ang pangkalahatang danyos ng sunog sa isang tindahan sa bahagi ng Osmena Sts., lungsod ng Cagayan de Oro.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Evette Yu, may-ari ng Michiba Marketing, inamin nitong nasa 14 empleyado ang apektado sa naturang insidente kung saan natupok ang buong ikalawang palapag ng gusali.

Aniya, magpapatuloy ang trabaho ng mga apektadong empleyado habang isasailalim sa renovation ang kanilang tindahan.

Base sa report ni SFO-1 Dennis Dales, imbestigador ng Burea of Fire Protection, aabot lamang sa P1.3-Milyon ang structural damage sa nasunog na building.

Umabot sa 4th alarm ang sunog at gumamit pa nga special chemical ang BFP upang patayin ang nagbabagang apoy galing sa mga naimbak na mga “tires” o goma, at plastic car accessories.

Una rito, nakita umano ng mga nagbabantay ng tindahan ang pagwewelding ng dalawang empleyado sa itaas na bahagi ng katabing building kung saan pinaniniwalaang ito ang sanhi ng sunog dahil gawa sa plastic ang “roofing” ng tindahang pag-aari ng Pamilya Yu.

Wala rin umanong plano ang nasabing pamilya na sampahan ng kaso ang dalawang manggawa mula sa katabing shop.

Hindi muna nagbigay komento ang BFP sa tunay na sanhi ng sunog.