Nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng Cagayan de Oro na hindi humaharap sa kakulangan sa suplay ng tubig ang lungsod sa gitna ng banta ng inaasahang Super El Niño.

Ayon kay City Information Officer Jade Adeser, nananatiling ligtas at may sapat na pagkukunan ng tubig ang lungsod alinsunod na rin sa koordinasyon nito sa Cagayan de Oro Water District.

Sinabi ni Adeser na ang magiging pagsubok lamang ay ang paghina ng agos ng tubig upang matiyak ang pagtatagal at tamang paggamit nito ng mga residente sa loob ng susunod na anim na buwan.

Kaugnay nito, nagpapatuloy ang panawagan ng tanggapan sa publiko na magtipid at maghanda upang hindi magdusa sa hirap sa oras na dumating ang matinding epekto ng El Niño.