CAGAYAN DE ORO CITY-Nasakote ng mga pulis ang tinuturong suspek sa pagbaril-patay sa Roads and Traffic Administration o RTA enforcer sa Brgy Puerto nitong lungsod.

Itoy matapos magsagawa ng joint drug buy-bust operation ang mga personahe ng Tagoloan Municipal Police Station at Provincial Drugs Enforcement Unit (PDEU) 10 sa Zone 4, Brgy Sta. Cruz, Tagoloan, Misamis Oriental.

Kinilala ang suspek na si John Mark Virtudazo, 24, may kinakasama, DI listed at residente sa nasabing lugar.

Maliban sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs of 2002 na isasampa ng Tagoloan MPS kay Virtudazo, sinabi ni Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) spokesperson Major Evan Viñas na sasampahan din nila ito ng kasong murder.

Ayon kay Viñas, positibong itinuro ng saksi na si Virtudazo ang bumaril kay RTA enforcer Mark Langam at komunekta din ito base sa nakuhang footage ng CCTV.

Matatandaang nagsagawa ng road clearing operation ang biktima nang binaril ng suspek.