CAGAYAN DE ORO CITY- Bumuhos ngayon ang pagpapaabot ng mga pakikiramay mula sa ibat’-ibang sektor partikular sa mga empleyado ng gobyerno na dating pinagsilbihan bilang elected government official ni Padayon Pilipino Party founder Vicente Yap Emano na nagmula sa bayan ng Tagoloan,Misamis Oriental.
Ito ay matapos kinompirma ng kanyang anak na si Misamis Oriental Governor Bambi Emano ang pagpanaw nito dahil sa iniinda na karamdaman habang nasa pagamutan ng lungsod sa edad na 76.
Maliban sa pamilyang Emano,Yap at Beja,ipinaabot rin ng mga kaalyado ng politika ng dating alkalde ng Cagayan de Oro ang kanilang pakikidalamhati dahil sa pagpanaw nito kaninang madaling araw.
Maging ang mga mahigpit na katunggali sa politika ni Emano kabilang si incumbent City Mayor Oscar Moreno ay hindi inaatubli na ipaabot ang kanyang simpatiya para sa mga pamilya na nagdadalamhati
Inihayag ni Moreno na bagamat matindi ang kanilang taktakan sa usaping politika subalit sa totoo nilang mga buhay ay nanatili ang pagiging magkaibigan ng dalawa
Nagbigay-pugay naman ang ilang mga politiko ng lungsod at Misamis Oriental na dating ginagabay ni Emano kung paano ipatupad ang people’s governance.
Si Emano ay kilala rin ng ibang government elected officials sa malaking bahagi ng Mindanao dahil sa pagiging peace maker nito pagdating sa usaping insuhernsiya at ibang kriminalidad.
Si Emano ay kasalukuyang tumatakbo bilang bise-alkalde kung saan katunggali nito ang running mate ni Moreno na si City Vice Mayor Rainer Joaquin ‘Kikang’ Uy
Nakatakdang ibuburol ang mga labi ng dating gobernador ng Misamis Oriental sa kanilang bahay sa Barangay Gusa ng lungsod ng tatlong araw bago ito ihahatid sa huling hantungan sa bayan ng Tagoloan.
Nagsimula ang political career ni Emano bilang alkalde sa bayan Tagoloan taong 1980 hanggang 1983;nahalal bilang gobernador ng Misamis Oriental noong 1988 -1998.
Matagumpay rin itong pumasok sa Cagayan de Oro bilang alkalde simula 1998 hanggang 2007.
Naninilbihan rin bilang bise-alkalde sa syudad sa taong 2007 hanggang 2010 at nagbalik pagka-mayorsimula 2010 patungong 2013.