CAGAYAN DE ORO CITY – Pananagutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging resulta ng muli nitong pagkanlong sa katatapos lamang niya na sinibak sa tungkulin na si dating Director General Nicanor Faeldon ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ang reaksyon ni Senate Blue Ribbon committee chairman Senator Richard Gordon kaugnay sa sinabi ni Duterte na mayroon pa rin siyang tiwala sa pagkatao ni Faeldon kahit nahaharap sa malaking iskandalo ang pagpapatakbo sa Bureau of Corrections.
Sinabi sa Bombo Radyo,inihayag ni Gordon na karapatan ni Duterte ang pagpapanatili o hindi kay Faeldon subalit maaring makabawas ito sa tiwala ng taong-bayan sa kanyang administrasyon.
Inihayag ng senador na ang mas mahalaga umano ay naipaabot ng Senado ang malinaw na mensahe kung gaano kalala ang nangyaring kurapsyon sa loob ng BuCor gamit ang naabuso na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Si Faeldon ay sentro sa kontrobersya hanggang sinibak ng pangulo dahil sa mabilis na pagpapalabas ng halos dalawang libo na convicted criminals sa New Bilibid Prison na kinabilangan ng apat na Chinese druglords.