CAGAYAN DE ORO CITY – Masisibak sa kanilang katungkulan o haharap sa mabigat na parusa ang ilang mga pulis na hindi pa rin huminto sa kanilang ilegal na mga gawain na ginamit ang pangalan ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang ibinigay na paalala ni PNP officer-in-charge Lt Gen Archie Gamboa sa harap ng mga opisyal ng Police Regional Office-10 nang personal na ini-install si Brigadier General Rolando Anduyan bilang acting top official sa Northern Mindanao.
Ginawa ni Gamboa ang pagbabanta kasunod nang preventive suspension order implementation na ipinatupad nito laban sa kanyang mistah o ka-klase sa Philippine Military Academy (PMA) na si acting PRO-10 regional director Brig Gen Rafael Santiago Jr dahil sa kinaharap na mga kasong administratibo.
Sinabi ni Gamboa na kung kaya nito pinasibak ang kanyang mistah na si Santiago,ano lang kaya sa ibang kasamahang mga pulis na dumudungis sa pangalan ng kanilang ahensiya.
Inihayag ng opisyal na masakit para sa kanya na sibakin sa katungkulan si Santiago subalit mas iniiwasan nito na masangkot sa kontrobersya katulad sa kinaharap ni resigned PNP Chief Director General Oscar Albayalde.
Ito ang dahilan na binalaan nito ang lahat ng kanyang nasasakupan na kahit limitado lamang ang ipinagkaloob na functions bilang officer-in-charge ng PNP ay hindi ito mag-atubili na sibakin ang sinuman na gagawa ng illegal activities sa harap ng publiko.
Sina Gamboa,Santiago at Anduyan ay kapwa mag-aaral sa PMA Sinagtala Class of 1986.