Para lamang sa kapakanan ng mga dayuhang kompanya at hindi sa lokal na ekonomiya ang mga trabahong itatayo sa ilalim ng Pax Silica taliwas sa ipinangako ni Presidente Ferdinand Marcos Junior.

Binigyang-diin ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa na hindi talaga pauunlarin ng Estados Unidos ang industriya ng semiconductor sa Pilipinas dahil ayaw ng mga dayuhang negosyante na magkaroon ng kakumpitensya sa merkado at hilaw na materyales.

Dagdag pa ni Africa, nabunyag din sa briefing sa Kongreso na matinding panggigipit sa mga unyon at pag-ipit sa benepisyo ang nararanasan ng mga manggagawa sa kasalukuyang mga pabrika ng semiconductor sa bansa.

Imbes na umasa sa mga dayuhang korporasyon na nagsasamantala sa murang lakas-paggawa, naniniwala si Africa na nararapat na magtayo ng sariling pabrika ang gobyerno para sa tunay na pag-unlad ng mga manggagawang Pilipino.