CAGAYAN DE ORO CITY – Maghahain ng isang urgent resolution si Deputy Speaker of the House at Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez kung magbabalik sesyon na sila upang hihikayatin ang pamahalaan na bigyang pahintulot ang mga pribadong kompanya na makapagbili ng sariling mga bakuna.

Ito ay upang ibsan ang pasanin na obligasyon ng gobyerno pagdating sa magagamit na pondo para bigyan ng libreng bakuna ang milyun-milyong sambayang Filipino laban sa COVID-19 sa una o pangalawang kuwarter ng taong 2021.

Ito ang tinitiyak ni Rodriguez matapos nalaman mula sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo na bukas ang Florete Group of Companies kung saan kabilang ang Bombo Radyo at STAR FM stations na bibili ng sariling bakuna para matupukan lahat ng kanyang mga empleyado laban sa bayrus.

Inihayag ni Rodriguez na isang katangi-tangi na hakbang ang pinasok ni Florete Group of Companies Chairman Dr Rogelio M.Florete na siyang chairman emeritus rin ng Bombo Radyo Philippines na gagamit ng sariling pondo upang makakuha ng mga bakuna mula sa mapagkatiwalaan na multi-companies para sa libu-libong mga empleyado nito sa bansa.

Inamin ng kongresista na kaya pala laging nangunguna ang mga himpilan ng Bombo Radyo ay dahil sa napapanahon na mga desisyon ng senior officials ng kompanya.

Si Deputy Speaker of the House at Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez

Magugunitang may sariling higpit na paraan rin ang Florete Group of Companies na ipinatupad nationwide upang hindi makadagdag ng mga kasong positibo ng bayrus ang mga empleyado nito sa listahan ng Inter- Agency Task Force na nakatutok sa halos isang taon ng pandemya na tumama sa bansa.