CAGAYAN DE ORO CITY – Pinayuhan ngayon ng kilalang political analyst na si Ramon Casiple si Vice President Leni Robredo na umiwas na munang magsasalita ukol sa trabaho niya bilang co-chairman sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ito ay matapos hindi nagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ipinalabas sa publiko na pananalita nito kaugnay sa inaatas na trabaho sa kanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Casiple na hanggat hindi pa nagkakausap ang dalawa ay dapat limitahan na muna ni Robredo ang kanyang pagsagot sa mga itinatanong sa media ukol sa kanyang trabaho.
Inihayag ni Casiple na sa ganitong paraan ay maiwasan ang pag-init pa ng isyu na maaring ikakasira ng mabuting layunin ng kanyang trabaho na ipinagkatiwala ni Duterte sa tanggapan nito.
Dagdag nito na may punto rin ang pinagsasabi ni Duterte na hindi dapat magbibigay ng anumang mga pahayag ang pangalawang pangulo lalo pa’t wala pang naibigay na specific functions ang Malakanyang sa pagiging co-chairman nito sa ICAD.