CAGAYAN DE ORO CITY – Todo-iwas si Vice President Sara Duterte sa mga pagtatanong kung hudyat na ba ng pagsilbing pinuno ng oposisyon ang pagpapalutang nito na tatlo sa miyembro ng kanilang pamilya ang sasabak pagka-senador sa 2025 elections sa bansa.

Ito’y matapos matanong ang bise-presidente ng local media pagbisita sa Cagayan de Oro City kung saan mainit pa rin na pinag-usapan ang pagdistansya na nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni Sara na abala ito sa mga paghahanda sa ipapalit ni Marcos na bagong kalihim ng Department of Education na nilisan niya noong nakaraang linggo lamang.

Dagdag ng pangalawang pangulo na sasagutin lang nito ang lahat ng mga katanungan ng publiko kung darating na ang tamang pagkakataon.

Una nang ipinalutang nito na hindi ito tatakbo bilang pangulo sa 2028 presidential elections dahil mas gusto ng kanyang pamilya na magbalik-alkalde sa syudad ng Davao.