CAGAYAN DE ORO CITY – Tinugis ng pulisya ang armadong kalalakihan na itinurong nasa likod pagpaslang sa tatlong sibilyan sa Barangay Inudaran,Kauswagan,Lanao del Norte.

Natukoy ang mga biktima na sina Undo Alfante,farm caretaker maging si Mike Maglangit na parehong taga-Brgy Tacub at Mark Maglangit na residente naman sa Brgy Bagumbayan lahat nakabase sa nasabing bayan.

Sinabi ni Police Regional Office 10 spokesperson Police Maj. Joann Navarro na batay sa imbestigasyon na abala si Alfante pag-entertain sa isa umanong sibilyan na bumibili ng prutas na ‘marang’ nang sumulpot ang dalawang armadong mga lalaki at agad itong pinagbabaril gamit ang M-16 at M-14 rifles.

Agad nasawi si Alfante dahil sa tindi ng tama ng mga bala habang mabilis na tumakas ang mga salarin.

Hindi pa sila nakontento at pinagbabaril rin nila ang magkaanak na Maglangit na pauwi na sana mula sa pangingisda sa kalapit na ilog sa pinangyarihan ng kremin.

Hindi pa matukoy ang motibo ng kremin kaya ikinasa ang malawakan na operasyon laban sa mga nakatakas na mga salarin.