CAGAYAN DE ORO CITY – Isiniwalat ni Tingog Partylist Representative Jude Acidre ang umano’y anomalya sa paggamit ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) sa ika-20 araw ng impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa eksklusibong panayam sa BOMBO RADYO, iginiit ni Acidre na pinatunayan ng dalawang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala silang natanggap na pondo mula sa DepEd para sa isinagawang Youth Leadership Summit (YLS) noong 2022 at 2023.
Ayon kina Colonel Manaros Boransing II at Colonel Magtanggol Panopio, nagulat sila nang malaman na ang kanilang certificates of appearance ay ginamit ng DepEd bilang bahagi ng liquidation ng confidential funds.
Nilinaw ni Acidre na ang mga youth summit ay matagal nang isinasagawa bago pa man manumpa si Vice President Duterte bilang Kalihim ng DepEd, at hindi kailanman nakalaan ang mga sertipikasyon bilang patunay ng pagbabayad para sa mga confidential operation.
Dahil dito, binigyang-diin ng prosecution na ang paggamit ng DepEd sa mga naturang dokumento ay isang malinaw na paglabag sa itinakdang layunin ng confidential funds.











