Naka-deploy na ang mga kasapi ng Roads and Traffic Administration (RTA) sa mga pangunahing entry points at kalsada sa Cagayan de Oro alinsunod sa pagsisimula ng 30th Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) National Convention.
Sinabi ni RTA Department Manager Benedicto “Doy” Ramiro na pinahigpit na ng mobile at stationary units ng tanggapan ang pagmo-monitor sa Laguindingan Airport, Macabalan Port, pati na rin sa Eastbound at Westbound terminals upang sumalubong sa mga bisita.
Nilinaw ni Ramiro na walang ipinatutupad na mga road closure o re-routing scheme dahil nakatutok sa isang lugar ang naturang kombensyon, ngunit handa ang naturang tanggapan na gumawa ng mga adjustment kung may maitalang pagsisikip sa trapiko.
Gayunpaman, tiniyak ng RTA na mananatiling nakasubaybay ang tanggapan sa Command Center kasama ang kanilang team leader sa ground upang matiyak ang maayos na pagbiyahe ng mga delegado patungo sa mga akomodasyon.











