Agad na inasikaso at tiniketan ng RTA ang drayber ng isang 40-footer tractor mover na nasira sa hangganan ng Bugo at Tagoloan noong nakaraang araw upang mapigilan ang matinding pagsisikip sa trapiko sa gitna ng pagsisimula ng Vice Mayors’ League National Convention.
Ibinunyag ni RTA Department Manager Benedicto “Doy” Ramiro na nakatagilid ang naturang truck dahil sa kargang dalawang container van, kaya mabilis itong nideployan ng mga barrier at Motorcycle Response Team upang maiwasan ang karagdagang perwisyo.
Sinabi ng opisyal na pinabilis ang paglilipat ng mga karga gamit ang dalawang forklift upang matiyak na maayos ang daanan ng mga opisyal at delegadong dumadaan sa naturang ruta.
Gayunpaman, ipinahayag ni Ramiro na lubos na nahawan ang naturang balakid sa kalsada bago magtanghali sa pamamagitan ng mabilis na koordinasyon ng mga awtoridad.











