Itinuturing ng lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro na isang malaking hamon at sakripisyo ang pagsasagawa ng water rationing sa oras na lubos nang tumama ang epekto ng Super El Niño simula ngayong buwan hanggang sa Mayo o Hunyo ng susunod na taon.

Ibinunyag ni City Information Officer Jade Adeser na hindi basta-basta ang naturang hakbang lalo na’t nakasalalay ang mahigit 800,000 populasyon at kabilang na ang mga magsasaka sa lungsod na direktang maaapektuhan nito.

Ayon kay Adeser, tinawag na ni Mayor Rolando “Klarex” Uy ang mga kapitan at mga tanggapan tulad ng CLENRO upang magtulungan sa paghahanda.

Dahil dito, ikinansela na rin ang opisyal na Christmas party ng lungsod upang ang inilaang pondo ay idirekta bilang contingency budget sa pagharap sa naturang krisis.