Kinuwestiyon ng pangkat ng Anakbayan Southern Mindanao Region ang totoong layunin ng inilalarawang kaunlaran sa proyektong Pax Silica dahil kinakailangan pang palayasin ang mga katutubo at mga magsasaka mula sa kanilang lupang ninuno upang maitayo lamang ito.
Ipinahayag ni Anakbayan Southern Mindanao Chairperson Fauzhea Guiani na karamihan sa mga lugar na masasagasaan ng naturang proyekto ay mga lupang pang-agrikultura at ancestral lands ng mga katutubo tulad ng mga Aeta.
Binigyang-diin ni Guiani na nagpapakita lamang ito ng kakulangan sa atensyon ng gobyerno dahil hanggang ngayon ay wala pang malinaw na plano kung saan ilalagay ang mga apektadong residente sa oras na simulan na ang pagtatayo ng pasilidad.
Ayon sa lider ng grupo, ang totoo at tamang hakbang na dapat gawin ng gobyerno ay ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at mga katutubo upang sila mismo ang makinabang dito imbes na isakripisyo para sa mga dayuhang negosyante.










