Pinabibilis na ng lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro ang pagbili ng mga water filtration equipment at mga water tanker sa mga barangay bilang proactive na paghahanda sa posibleng kakulangan ng tubig sa panahon ng Super El Niño.
Alinsunod sa rekomendasyon ng task force na ibinahagi ni Acting City Information Officer Jade Adeser, maaaring gamitin ng mga barangay ang kanilang 5 porsyentong disaster fund sa pagbili ng tanker na maghahakot ng tubig mula sa centralized source sa City Hall.
Ipinahayag din ni Adeser na magagamit ang mga water filtration machine sa paglilinis ng tubig mula sa ilog para sa paliligo at paghuhugas kung lalala ang hina ng agos sa gripo.
Ipinaliwanag ng opisyal sa City Hall na nais ni Mayor Rolando Klarex Uy na matapos agad ang pagbili ng mga naturang kagamitan upang hindi maghintay ang lungsod na tumama pa ang krisis bago kumilos.











