CAGAYAN DE ORO CITY –Tiniyak ng kampo ni dating Senador Antonio Trillanes IV na hindi aatrasan ang kinaharap na kasong conspiracy to commit sedition na nakitaan ng probable cause ng korte na unang inihain ng Department of Justice (DoJ).
Ito ay matapos ipinag-utos na ng korte na arestuhin si Trillanes kasama si Peter Jomel Advincula alyas Bikoy at 10 iba pa kaugnay sa Ang Totoong Narcolists videos na sumentro sa alegasyon na sangkot sa illegal drugs trade ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ipinaabot na mensahe sa tanggapan ni Trillanes,sinabi nito na haharapin nito ang panibagong kaso katulad sa unang mga panggigipit ng administrasyon laban sa kanya.
Inihayag ng dating senador na agad itong maghahain ng kanyang piyansa sa korte sa oras na makabalik na mula sa labas ng bansa dahil sa susunod umano na dinaluhan na mga aktibidad.
Si Trillanes ay una nang inaakusahan na utak ng Bikoy videos kasama ang isang pari at ilang political figures mula sa panig ng oposisyon kung saan naglalayong pabagsakin ang administrasyong Duterte.