Hinimok ng Roads and Traffic Administration ng Cagayan de Oro ang publiko na ireport agad ang mga abusadong drayber at operator ng motorela na hindi nagbibigay ng tamang sukli sa pamasahe sa lungsod.

Nagpahayag ang Department Manager ng ahensya na si Benedicto “Doy” Ramiro na kinakailangang tandaan ng mga pasahero ang body number ng sasakyan, rutang binabyahe, at kompletong detalye upang opisyal na mapatawag sa kanilang tanggapan.

Ang naturang ilegal na hakbang ay itinuturing na malaking paglabag sa lisensya at prangkisa kung saan pwede itong i-endorso sa Business Permits and Licensing Division at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa pagbawi ng permit.

Kaisa-isang paalala ng tanggapan na magbibigay sila ng citation ticket at magsasampa ng legal na aksyon sa kanino mang drayber na magpapaiiral ng maling singil sa komyuter.