CAGAYAN DE ORO CITY – Nakompiska na naman ng Bureau of Customs at Department of Agriculture ang nasa anim na milyong halaga na ismagol na mga sibuyas na umano’y nagmula naman sa bansang Tsina na dumaong sa puerto ng Mindanao Container Terminal Sub-Port ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Sa inilabas na impormasyon ni BoC District Collector Atty Elvie Cruz,sakay ng dalawang container vans ang kontrabando kung saan natukoy ang umano’y consignee na Humility Trading na ipinuslit mismo nitong linggo lamang mula Tsina papasok Pilipinas.
Sinabi ng opisyal na panibagong misdisclaration of goods na naman umano ito dahil nakalagay sa mga dokumento na ‘margarine’ ang karga nasa loob ng container vans.
Kaugnay nito,dahil bigo ang consignee na ma-dispute ang akusasyon ng gobyerno ay pansamantalang naka-kustodiya sa yarda ng MisOr port ang mga nakompiska na kontrabando.
Magugunitang simula Agosto hanggang Disyembre nitong taon,nasa mahigit P200 milyon na ang nakompiska na mga sibuyas na lahat mula China ang nakompiska.