CAGAYAN DE ORO CITY – Umakyat na sa tatlo ang bilang ng mga namatay sa nangyaring road accident sa Barangay Maluko, Manolo Fortich, Bukidnon.

Kinilala ang mga namatay na sina Emmanuel Barabat, Anecita Barabat at drayber ng Mitsubishi Adventure na si na si Prince Klerc Borja, residente ng Sumbong, Malaybalay City Bukidnon habang sugatan naman sina Joey Cantarona, Maylene Cantarona at Benjamin Sabay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Manolo Fortich Municipal Police Station chief Lt. Col. Dufhar Chris Cuaresma na nangyari ang madugong aksidente nang mag-overtake ang drayber ng Mitsubishi Adventure sa Howo dumptruck na minamaneho ni Arnold Basco Concepcion, 25-anyos, taga Cabanglasan, Bukidnon.

Nawalan ng kontrol ang dalawang sasakyan nang mag-overtake sa pakurbang daan ang drayber ng Mitsubishi kung kaya’t nabangga ito ng nakasalubong na truck.

Dead on the spot ang drayber at dalawang pasahero ng sasakyan habang patuloy na ginagamot sa hospital ang tatlong sugatan.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injuries at damage of property ang drayber ng trak na nasa kustodiya ngayon ng pulisya.