CAGAYAN DE ORO CITY – Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isang seaman na bago pa lamang nakauwi sa Pilipinas mula Japan.

Ito’y matapos hinuli ng mga operatiba ng Regional Anti-Cybercrime Unit (Racu) ang suspek na si Erwin Reginio, 43-anyos at tubong Dasmarinas, Cavite.

Siya ay hinuli alinsunod sa reklamo ng kaniyang kasintahan na taga Barangay Carmen, Cagayan de Oro City matapos nitong ipinagkalat ang kaniyang mga nude pictures sa internet.

Ginagawa umano ito ng suspek sa tuwing mag-aaway silang dalawa.

Nakuha naman sa kaniyang posisyon ang tablet at selfone nito na puno ng mga nude photos ng babae.