Ipinahayag ni Cagayan de Oro Chamber of Commerce and Industry Foundation President Engr. Almarico Brito ang pangamba ng sektor ng negosyo habang papalapit ang panahon ng kapaskuhan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang nananatili ang suweldo ng mga manggagawa.
Ibinunyag ni Brito na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot lamang sa mahigit dalawang porsyento ang third quarter Gross Domestic Product ng bansa habang tumaas patungong 7.2 porsyento ang inflation rate.
Ipinaliwanag ng opisyal ng Oro Chamber na walang ligtas sa naturang krisis, kabilang na ang lungsod ng Cagayan de Oro, dahil sa giyera sa Middle East, pagtaas ng presyo ng langis, at paghina ng halaga ng piso laban sa dolyar.
Dahil dito, ayon kay Brito, umaasa ang business community na mailalatag na ang konkretong hakbang ng gobyerno bago matapos ang taon upang hindi na bumagsak pa ang kalagayan ng ekonomiya.











