Binigyang-diin ni dating Executive Secretary at Hakbang ng Maisug Lead Convenor Atty. Vic Rodriguez na malaking pinsala sa produktibidad at kabuhayan ang tatlong araw na lockdown sa trabaho, negosyo, at klase sa Metro Manila sa gitna ng ASEAN Summit.
Ibinunyag ni Rodriguez na nakadagdag pa ang naturang suspensyon sa mahaba nang listahan ng mga walang klase dahil sa mga bagyo at sa sunod-sunod na holidays sa Nobyembre at Disyembre.
Ipinaliwanag ng dating opisyal na nahihirapan na ngayon ang mga estudyante sa paghabol sa itinakdang school calendar ng Department of Education habang nagsara rin ang karamihan sa mga opisina at bangko sa loob ng tatlong sunod-sunod na araw.
Idinagdag ni Rodriguez na nararapat timbangin ng gobyerno ang nawalang kita ng mga manggagawa at negosyante kumpara sa tatlong araw na aktibidad.











