CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines -Nasawi ang isang aktibong miyembro ng Santa Ana Parish Youth Coordinating Council at labing-isa pa ang nasugatan matapos mahulog ang isang pampasaherong van sa isang bangin sa Dayawan, Villanueva, Misamis Oriental.

Kinilala ni Jerson Francisco, isang personnel ng Villanueva-MDRRMO, ang nasawi na si Lynlyn Zambas, residente ng Sta Cruz, Tagoloan, sa nasabing lalawigan.

Inamin ni Tedol Zambas, ang driver ng van, na nawalan siya ng preno habang binabaybay ang lubak-lubak at matarik na daan sa Dawayan, dahilan upang mahulog ang sasakyan sa tinatayang dalawampu hanggang tatlumpung metrong lalim ng bangin. Ayon sa mga biktima, galing sila sa isang libing sa Kalilangan, Villanueva, nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa mga personnel ng MDRRMC, nahirapan silang i-recover ang nasawi at i-rescue ang mga buhay dahil karamihan sa kanila ay nagtamo ng mga pasa at posibleng bali sa mga buto. Agad na dinala ang mga nasugatan sa Northern Mindanao Medical Center (NMMC) para sa kanilang gamutan.

Sa kasalukuyan, ang katawan ni Lynlyn Zambas ay nasa Santa Cruz Chapel, at nangangailangan ang kanyang pamilya ng kaunting pera para sa gastos ng kanyang pagpapalibing.