CAGAYAN DE ORO CITY – Kumpirmadong mga buto ng aabot sa apat katao ang nahukay ng pulisya tulong ng mga brgy opisyales na dating itinuturing gold mining area ng Brgy. Capucao sa lungsod ng Ozamiz City.
Ayon kay Capucao Brgy Chairman Benjamin Eubitay na mahigit 20 taon na ang nakalipas mula nang hinukay ng mga minero ang nasabing lugar dahil sa paniniwalang may deposito ito sa ginto.
Matapos ang ilang taong paghuhukay ay wala silang makuhang ginto sa nasabing lugar kung kaya’t iniwan itong nakabukas na may lalim na 10 talampakan.
Ito raw ang dahilan kung saan pinaniniwalaang ginawang dumpsite ang nakabukas na hukay sa mga biktima ng salvaging o summary execution sa kanilang lugar.
Aniya, ang dating miyembro ng civilian volunteer organization (CVO) ang nagbigay tip sa mga otoridad sa sinasabing mga bangkay na itinapon sa nasabing hukay.
Una rito, mismong si Ozamiz City Police Station commander Chief Insp. Jovie Espenido ang naniniwalang mga biktima ng pamilya Parojinog ang kanilang nakuhang mga bangkay.
Sa pinakahuling ulat ng pulisya, kabilang sa mga narekober ang aabot sa apat na damit, mga lubid, sinturon, suklay at mga tsinelas.
Unang kinuwento ng mga residente ng nasabing barangay na noon pa nilang naririnig ang mga armadong kalalakihang may tinatapon sa nasabing lugar.
Sa ngayon, sinusuri pa ng Ozamiz City PNP kung sino-sino ang kanilang sasampahan ng kaso kaugnay sa nadiskubreng mga buto ng tao.










