CAGAYAN DE ORO CITY – Lumabas sa audit observation na si Vice President Sara Duterte mismo ang lumagda sa mga disbursement voucher at sa fiscal at financial plan na naging batayan sa pag-release ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa unang tatlong quarter ng 2023.

Ito ang ibinunyag ni House Prosecution Panel Spokesperson Zia Alonto Adiong sa panayam ng BOMBO Radyo CDO.

Ayon kay Adiong, malinaw sa mga dokumento gaya ng utilization report, accomplishment report, at liquidation report na si Duterte ang nag-apruba sa lahat ng proseso.

Dagdag pa ng mambabatas, batay sa pahayag ng dating state auditor na si Roderick Wamel, may mga nakitang discrepancies sa paggamit ng pondo na hindi tugma sa joint circular, kabilang ang paggastos para sa “reward” at gamot na wala sa itinakdang criteria.

Dahil dito, kinilala ng prosecution bilang “smoking gun evidence” ang inilabas na Audit Observation Memorandum at Notice of Suspension mula sa Commission on Audit (COA).

Bago pa man ito, nilinaw ni Adiong na binigyan ang OVP ng 15 araw upang isumite ang kulang na dokumento ngunit hindi ito natupad.

Sa gayon, napagtibay umano na si VP Duterte ang responsable sa pag-apruba at paggamit ng confidential funds na kinuwestiyon ng COA.