Mahigit limang daang milyong piso mula sa confidential at intelligence funds na in-audit ng Commission on Audit (COA) ang nakatakdang sagutin ng susunod na testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni Prosecution Panel Spokesperson at dating kongresista – Robert Ace Barbers na mula rin sa COA ang kanilang ihaharap na testigo dahil sila ang nakatuklas ng mga iregularidad sa liquidation.

Dagdag pa ni Barbers, higit sa kalahating bilyong piso ng pondo ng gobyerno ang nagamit ng Office of the Vice President at Department of Education nang walang naipakitang ebidensiya na may ahensyang tunay na nakinabang alinsunod sa batas.