Wastong koordinasyon ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa LTFRB at sa mga investor matapos matuklasan na nag-pi-pick-up na ng pasahero sa lungsod ang Green GSM electric taxis na nakabase sa El Salvador City.
Ipinaliwanag ni Konsehal Roger Abaday na hindi tinututulan ni Mayor Rolando Klarex Uy at ng konseho ang transportation modernization program, ngunit kinakailangan pa rin ang tamang pakikipag-usap at pagkuha ng lokal na business permit bago sana magpatakbo ng halos 200 unit ng bagong taxi.
Ito ang dahilan kung bakit nagdaos ng pulong kahapon ang lokal na pamahalaan kasama ang mga opisyal ng Green GSM at mga tsuper sa lungsod upang mapangalagaan ang pangkabuhayan ng mga lokal na operator.
Inaasahan na sa pamamagitan ng naturang paghaharap, mas mapapaunlad ang koordinasyon ng lahat ng panig at maiwasan ang gulo sa biyahe sa lungsod.











