Kinumpirma ni PRO-10 spokesperson Police Major Joann Navarro ang pagkakadakip sa anim na indibidwal, pag-rescue sa isang menor de edad, at pagkakakumpiska sa nagkakahalagang 45 milyones pesos na mga kagamitan sa ilegal na pagmimina sa Barangay Tuburan, Cagayan de Oro City noong nakaraang Biyernes.

Ibinunyag ni Navarro, itinuturing ang nabistong minahan bilang large-scale mining operation kung saan nakumpiska ang labindalawang excavator at anim na truck na nakatakdang patawan ng kasong paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 laban sa mga suspek.

Nabatid na inihandog na ng kepulisan ang na-rescue na menor de edad sa mga social worker habang patuloy ang imbestigasyon ng ahensya.

Batay dito, patuloy ang isinasagawang pagsusuri ng kepulisan upang matukoy at masampahan ng nararapat na kaso ang utak sa likod ng naturang ilegal na pagmimina na ibinabalitang isang foreign national.