Malaking hamon ngayon sa mga awtoridad ang pagtunton at pagdakip sa mga utak sa likod ng nabistong large-scale illegal mining operation sa Barangay Tuburan, Cagayan de Oro City.

Ibinunyag ng Police Regional Office 10 spokesperson na si Police Major Joann Navarro na nag-o-operate ang naturang ilegal na minahan sa likod ng permiso na sand and gravel operation upang maitago ang gawain.

Nabatid na nagsimula na sa pagsasagawa ng paper trail ang kepulisan kasama ang Mines and Geosciences Bureau Region 10 upang matukoy kung sino ang tunay na kumuha ng permiso, kung sino ang may-ari ng mga ipinang-depositong heavy equipment, at ang itinuturong foreign national na siyang pinaniniwalaang nagpopondo sa naturang operasyon.

Batay dito, tiniyak ng kepulisan sa publiko na hindi hihinto ang tanggapan hanggang sa matanggal ang maskara ng mga financier at matugunan ang lahat ng tanong sa legalidad at sa mga nasa likod ng naturang ilegal na pagmimina.