Pinanindigan ng liderato ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) ang panawagang ibasura ang proyektong Pax Silica dahil tila pinagsasamantalahan lamang ng mga mayayamang bansa ang kalikasan at yaman ng Pilipinas.
Nagpahayag si United Church of Christ in the Philippines Bishop Rey Alejandro Lazaro na sa 26 na miyembrong bansa sa naturang kasunduan na pinamumunuan ng Estados Unidos, ang Pilipinas ang pinakamaliit at mahirap kung ikukumpara sa Japan, South Korea, at Australia na siyang may hawak ng kapital at teknolohiya.
Ipinaliwanag ni Lazaro na raw materials lamang ang kukunin mula sa Pilipinas habang ang 1,620 ektaryang lupain sa Tarlac ay gagawing manufacturing hub para sa silicon at semiconductor na kinakailangan ng mga dayuhang negosyante.
Dugtong ng obispo na bilang mga tagapangalaga ng nilikha ng Diyos, hindi makapapayag ang simbahan na masira ang kalikasan at mawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka at mga Aeta upang lumago lamang ang ekonomiya ng mga dayuhan.









