Nagbabala ang United Church of Christ in the Philippines sa publiko na posibleng mawalan ng kalayaan sa ekonomiya ang Pilipinas at maging sunod-sunuran na lamang sa mga dayuhang bansa kung ipagpapatuloy ang proyektong Pax Silica.

Itinuro ni United Church of Christ in the Philippines Bishop Rey Alejandro Lazaro na kahit makaakit ito ng mga foreign investor, mas mabigat pa rin ang panganib nito dahil aasa na nang husto ang bansa sa dayuhang teknolohiya.

Ipinaliwanag ni Lazaro na kahalintulad ng kasaysayan ng Pax Romana kung saan ginamit ang kapangyarihan upang walang makatutol sa imperyo, ang kasalukuyang kasunduan ay gagawing dependent ang Pilipinas sa malalaking bansang may hawak ng puhunan.

Ayon sa obispo, kinakailangan ngayon ang pagkakaisa ng mga Pilipino upang harangan ang naturang proyekto at protektahan ang pambansang interes laban sa malinaw na pagsasamantala ng mga dayuhan.