Inilarawan ng pangkat ng Anakbayan Southern Mindanao Region na isang kasinungalingan ang pangakong makapagbibigay ng maraming trabaho para sa mga Pilipino ang pagtatayo ng Pax Silica at ng Luzon Economic Corridor.

Ibinunyag ni Anakbayan Southern Mindanao Chairperson Fauzhea Guiani na ang mga dayuhang kapitalista at malalaking kompanya lamang ang totoong makikinabang sa naturang proyekto habang gagawin lamang pinagkukunan ng raw materials at tagabuo ang Pilipinas dahil sa kakulangan ng sariling pambansang industriya.

Ipinaliwanag ni Guiani na batay sa karanasan ng ibang bansa tulad ng Indonesia na may mga Pax Silica hub, mga dayuhan pa rin ang kinukuha bilang mga executive at head engineer habang mga manggagawang mababa ang sahod ang hinahanap mula sa lokal na populasyon.

Dugtong ng lider ng kabataan na imbes makatulong, mas lalala pa nga ang kawalan ng kabuhayan sa bansa lalo na’t nagpapatuloy na ngayon ang pagtatanggal sa mga empleyado dahil sa artificial intelligence.