Ipinatawag na ni Mayor Rolando Klarex Uy ang lahat ng barangay kapitan sa Cagayan de Oro para sa sunod-sunod na pagpupulong upang maisaayos ang kanilang contingency plan laban sa Super El Niño.

Binigyang-diin ni Acting City Information Officer Jade Adeser na hindi maaaring magkapareho ang paraan sa urban at bulubunduking barangay kaya iniangkop ng Task Force Super El Niño ang kanilang mga hakbang ayon sa pangangailangan ng bawat lugar.

Nagbabala si Adeser na bagama’t nakararanas pa ng panaka-nakang pag-ulan ang lungsod, inaasahang magsisimula na ang matinding init sa huling linggo ng Nobyembre at tatagal hanggang sa buwan ng Mayo o Hunyo ng susunod na taon.

Kinumpirma ng opisyal na palaging nag-uulat ang inter-agency task force sa alkalde upang matiyak na handa na ang lahat ng ahensya bago pa tumaas ang konsumo sa tubig at kuryente.