Ipinaalala ni Cagayan de Oro City Councilor at Committee on Police, Fire, and Public Safety Chairman Roger Abaday sa Task Force na naatasang manghuli ng mga maingay na motorsiklo na magpatuloy at huwag huminto-hinto sa operasyon.

Ibinunyag ni Abaday na maraming reklamo ang natanggap mula sa Barangay Kauswagan, Barangay Gusa, at uptown area lalo na sa mga convenience store sa tabi ng highway kung saan nagtitipon ang mga nagpapabomba ng silinyador na motorista.

Ipinaliwanag ng konsehal na isinama na sa operasyon ang kapulisan, Roads and Traffic Administration, Land Transportation Office, at mga opisyal ng barangay ngunit kinakailangan na tuloy-tuloy ang kampanya at hindi ugaliin ang estilong “now you see me, now you don’t”.

Nilinaw ni Abaday na sa ilalim ng Republic Act 4136 at patakaran ng Department of Trade and Industry, labag sa batas ang ingay ng tambutso na lalampas sa 99 decibels.