Nararapat maging panangga ng mga mahihirap at karaniwang mamamayan ang batas imbes na gamitin ng mga makapangyarihan at political dynasty, ito ang matalas na pagbatikos ni National Union of Peoples’ Lawyers member Atty. Beverly Selim-Musni sa kawalan ng accountability sa mga pangunahing isyu ngayon sa bansa at sa mga hindi pa nalulutas nito.

Sinabi ng abogado na kung mananatili ang takot at ang kawalan ng pananagutan sa malalaking krimen tulad ng Ampatuan massacre, mas lalong hihirap ang pagkamit ng patas na hustisya para sa lahat.

Ayon sa naturang miyembro ng NUPL, ang paninindigan ng mga mamamahayag, abogado, at taumbayan ang pipigil sa mga warlord at abusadong opisyal na mag-akalang mataas sila sa batas.

Kaya naman nanawagan ngayon ang abogado sa publiko na bantayan ang paggamit ng kapangyarihan at patuloy na ipaglaban ang karapatang pantao at dignidad ng bawat Pilipino.