Suportado ni Opol Mayor Jay Bago ang moratorium ng Mines and Geosciences Bureau Region X sa lahat ng operasyon ng pagmimina sa bayan, kabilang na ang Iponan River.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, nagpahayag ang alkalde na kinakailangan ang naturang hakbang upang masuri ang water quality at kalikasan sa lugar lalo na’t pinagsasaluhan ng Opol at Cagayan de Oro ang Iponan River.

Ipinaliwanag ng alkalde na bagama’t apektado ang mga lehitimong sand and gravel operator at aplikasyon sa minahan ng bayan, nararapat bigyan ng pagkakataon na makahinga ang kalikasan habang pinabibilis ang assessment ng EMB, MGB, at DENR.

Idinagdag ng pamunuan ng bayan na hiningi na ang tulong ng pambansang pamahalaan dahil hindi na kaya sa lokal at panlalawigang antas ang pagsaway sa ilegal na pagmimina sa lugar.