Kinakailangang ibigay ng lahat ng employer ang 13th month pay sa mga empleyado sa o bago ang Disyembre 24, ayon sa paalala ng Department of Labor and Employment Region 10.

Ayon kay DOLE-10 Technical Support Services Division Chief Atheneus Vasallo, katumbas ng isang buwang basic salary ang matatanggap kung nakapagtrabaho ng buong taon, o proportionate kung ilang buwan ang naserbisyuhan basta hindi bababa sa isang buwan.

Kabilang sa may karapatan sa naturang benepisyo ang mga contractual, casual, at agency worker, gayundin ang mga manggagawa sa maliliit na tindahan o negosyo basta may employer-employee relationship.

Maaaring lumapit ang mga manggagawa sa Trinidad Building sa Cagayan de Oro at sa mga provincial office sa rehiyon kung may lalabag matapos ang takdang araw.