Hinikayat ng City Disaster Risk Reduction and Management Department ang mga magsasaka na huwag munang magtanim sa rain-fed na lupain kahit pa may pag-ulan-ulan dahil sa banta ng Super El Niño.
Ipinaliwanag ni CDRRMD Chief Nick Jabagat na tatagal hanggang sa ikalawang quarter ng susunod na taon ang naturang sitwasyon at malaki ang panganib na masira ang mga pananim kung aasa lamang sa panaka-nakang pag-ulan.
Nilinaw ng naturang opisyal na dapat ipa-insure sa Philippine Crop Insurance Corporation ang mga naitanim na at ibalik ang backyard gardening at gulayan sa paaralan.
Binigyang-diin din ng pamunuan ng CDRRMD na katuwang ang Department of Education ay pinag-aaralan na ang paraan ng pagkatuto kung tataas ang heat index, kung saan maaaring i-assess ng school head at barangay captain ang pagsuspinde ng klase alinsunod sa executive order ng alkalde.











