CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat ng pamilya Dormitorio ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gawin ng istriktong palisya ang total ban ng hazing sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) at ibang army facilities.
Kaugnay ito unang inilabas na pahayag ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr na nagsilbing ‘battle cry’ sa loob ng PMA na tuluyang masupil ang ilang hazing incidents kung saan pinaka-biktima ang mga baguhang kadete sa loob ng akademya.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Dexter Dormitorio,kapatid ni late PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na nasa kamay na ni Brawner ang pagkakataon at sana hindi nito maaksaya upang magkaroon ng matibay na palisya kontra hazing.
Sinabi ni Dormitorio na bagamat pinakalakas na ang Anti-Hazing Law ng bansa subalit nagulantang pa rin ang lahat dahil mismo ang kanyang kapatid na bagitong kadete pa lang ng PMA ay pinakahuling biktima noong Setyembre 18, 2019.
Magugunitang pagkatapos pumutok ang Dormitorio hazing case ay pumalit bilang commandant ng PMA si Brawner at nagpatupad ng ilang reporma sa loob ng akademya.
Ipinaglaban ng pamilya Dormitorio ang nangayari kay Darwin,tatlo sa anim na upperclassmen nito ang pinatawan ng korte ng life sentence penalty na kinabilangan ni former PMA 3rd Class Shalimar Imperial Jr; Felix Lumbag Jr at Julius Carlo Tadena.