CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma Army Colonel Louie Demaala, tagapagsalita ng Philippine Army, ang pagkamatay ng apat na kasapi ng New People’s Army sa Barangay Bakingking, Esperanza, Agusan del Sur.
Kinilala ng militar ang mga nasawi na sina Julia Cagadas alias “Ka Reda/Rheda,” Junie Mansiguiao alias “Kikoy,” Gerald Basason alias “Doydoy,” at Rocha Mae Mirafuentes Bihag alias “Maki.”
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng ulat sa presensya ng armadong grupo, kung saan nakarekober ang mga sundalo ng armas at bala. Walang nasugatan sa panig ng militar ayon sa inisyal na ulat.
Ipinahayag ni Col. Demaala ang pakikiramay sa mga pamilya ng nasawi, ngunit iginiit na tungkulin lamang nilang tiyakin ang seguridad at kapayapaan sa komunidad.











